MANILA, Philippines (Eagle News) — Nagbabala si Interior and Local Government officer-in-charge Catalino Cuy sa publiko na mapapatawan ng multa at maaaring makulong ang sinumang mahuhuli na gumagawa, nagbebenta, namamahagi o gumagamit ng mga iligal na paputok o pyrotechnics.
Ayon kay Cuy, seryoso ang gobyerno sa pgbababawal sa iligal na paputok at kanilang papatawan ng parusa ang mga hindi susunod sa batas at regulasyon.
Ang mga lalabag aniya ay papatawan ng Php 20,000 hanggang Php 30,000 o maaaring makulong ng anim na buwan hanggang isang taon.
Paliwanag ni Cuy, nakasaad ito sa Republic Act 7183 o ang batas na nagbabawal sa pagbebenta, paggawa, pamamahagit at paggamit ng iligal na paputok at iba pang mga pyrotechnic device.
Maaari aniyang makansela ang lisensya at business permit ng mga manufacturer ng iligal na paputok at kukumpiskahin ang kanilang mga inventory at stock.