(Eagle News) — Bumagsak ang job satisfaction ng mga mangagawang Pilipino ngayong taong 2017, ayon sa survey na isinagawa ng Jobstreet.com.
Ito’y dahil sa kakulangan ng career development at training opportunities sa mga kumpanya.
Lumitaw sa survey na bumaba ang Philippine Job Happiness Index sa 4.97 ngayong taon kumpara sa 5.25 na naitala noong 2016.
Isinagawa ang survey ng Jobstreet mula July 31 hanggang August 31, 2017.
Kung ikukumpara sa mga kalapit na bansa sa Southeast Asia, mas mababa ang nakuhang Job Happiness Index ng Pilipinas kumpara sa Indonesia at Vietnam.
Ayon kay Jobstreet Country Manager Philip Gioca, maraming Pilipino ang nag-aasam ng career development.
Nais umano nilang mag-move forward sa kanilang napiling career pero walang offer at training opportunities sa kanilang mga kumpanya.
Nang tanungin ang mga respondent kung ano ang makapagpapasaya sa kanila sa susunod na anim na buwan, 33 percent ang nagsabi ng dagdag-sweldo at 23 percent ang nagsabi na nais nilang mag-resign at mag-apply ng bagong trabaho.
Ang mga masaya naman sa kanilang kasalukuyang trabaho ay nagsabing ang mga kasamahan, work location at company reputation ang dahilan ng kanilang pagiging kuntento.
https://youtu.be/Y_I4Fk5bvEc