(Eagle News) — Tatagal umano ng anim na taon bago matapos ng Supreme Court- Presidential Electoral Tribunal (PET) ang recount ng resulta ng eleksyon na kinukwestyon ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon sa abogado ng kampo ni Vice President Leni Robredo na si Atty. Romulo Macalintal, sa isang munisipyo lamang ay inaabot na ng isang taon at kalahati hanggang dalawang taon ang recount.
Partikular na kinikuwestyon ng kampo ng mga Marcos ang resulta ng eleksyon sa labing-walong probinsya at limang highly urbanized na lungsod sa bansa.
Inaakusahan din ng mga Marcos ang kampo ng bise presidente na dinidelay lamang ng mga ito ang electoral protest.
Pero nilinaw naman ni Macalintal na hindi sa mabagal na proseso kundi mahina umano ang kanilang protesta at walang espisipikong alegasyon.
Marcos camp, iginiit na malakas ang kanilang poll protest
Pero giit ng kampo ng mga Marcos, matibay at malakas umano ang kanilang ebidensya.
Reklamo pa ng mga ito ang matagal na pagsisimula ng preliminary conference gayong sampung buwan na ang nakakalipas simula ng ihain ang protesta.
Kahapon, Abril 18 ay nagbayad na ang dating senador ng 36 million pesos bilang inisyal na bayad sa kanyang electoral protest.
Pinagbabayad din ng PET si Robredo ng walong milyong piso bilang paunang bayad at mahigit pitong milyong piso bilang pangalawang installment para sa kanyang counter-protest.