QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Asahan na ang mas mahabang araw at maigsing gabi dahil sa vernal equinox.
Ito ay kilala rin sa tawag na spring equinox, kung saan direktang naka-tutok ang araw sa equator at halos pantay lang ang haba ng araw at gabi.
Nagsimula ang vernal equinox nitong Miyerkules, Marso 21 , na siyang simula ng spring sa northern hemisphere at autumn sa southern hemisphere.
Samantala sa lagay ng ating panahon, lumakas ang northeast monsoon, na ngayon ay muling nakakaapekto sa Northern at Central Luzon, habang ang tail-end ng cold front naman ang nakakaapekto sa silangang bahagi ng bansa.
Asahan ang maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region at sa probinsya ng Quezon.
Maulap na papawirin na may kalat-kalat na mahihinang pag-ulan ang asahan sa Cordillera Region, Cagayan Valley at mga probinsya ng Ilocos at Aurora.
Ang Metro Manila at ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may ilang mga pag-ulan.