Mas masikip na trapiko sa Quezon City, inaasahan simula ngayong araw

QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Simula ngayong araw, Abril 30, asahan na ang mas mabigat na daloy ng trapiko sa Quezon City.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), dahil ito sa pagsasara ng ilang kalsada upang simulan ang konstruksyon ng coping beam ng Metro Rail Transit o MRT-7.

Bunsod nito, ipatutupad ang one-way traffic sa Regalado mula Mindanao Avenue hanggang Commonwealth Avenue mula 5:00 AM hanggang 10:00 PM.

Simula naman sa Mayo 6 hanggang Hulyo 30, tuwing 10:00 PM naman hanggang 5:00 AM ay isasara ang Regalado mula Mindanao Avenue hanggang Commonwealth Avenue para lagyan ng box griders ang track ng MRT-7.

Bukas, Mayo 1, asahan naman ang traffic sa intersection ng Commonwealth at Tandang Sora Avenue dahil sisimulan na ang konstruksyon ng MRT-7 Tandang Sora station na tatagal ng limang buwan.

Bubuo rin sila ng elevated guideway at idedemolish ang Tandang Sora flyover at inaasahang matatapos ito ng labing tatlong 13 buwan, habang walong buwan naman ang aabutin ng paghuhukay para sa MRT-7 underground guide way mula North Avenue hanggang Commonwealth.

Bunsod nito, dalawang lanes ng North Avenue hanggang Elliptical Road ang isasara sa mga motorista.