Mas mataas na pasahe sa mga bus, hiniling

MANILA, Philippines (Eagle News) — Naghain ng petisyon ang mga bus operator kaugnay ng dagdag-pasahe, gayundin ng provisional hike, sakaling hindi pa maipatupad ang kanilang petisyon.

Ang pitong pahinang joint petition ay inihain ng Southern Luzon Bus Operators Association, Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas at ng Samahang Bus Transport Operators ng Pilipinas.

Inihain nila ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), kasunod nang pagtaas ng presyo ng langis dahil sa bagong tax reform program gayundin ang pagtaas ng presyo ng spare parts at pagtaas ng toll fees.

Mula sa P10 minimum fare para sa mga non-air-conditioned bus, nais nila na maitaas ang  minimum fare sa Php 13.30 at karagdagang Php 2.45 para sa succeeding kilometer.

Para naman sa mga air-conditioned bus, inihirit ng city at provincial bus operator mula sa dating Php 12.00 na minimum ay maging P 15.95 na ito at karagdagang Php 2.95 para sa succeeding kilometer.

Dumaraing din ang provincial bus driver ng dagdag pasahe na maging Php 11.95 na ang minimum mula sa dating Php 9.00.

Habang ang mga air-conditioned bus driver naman ay humihirit ng Php 2.15 na dagdag bawat kilometro mula sa dating Php 1.60.

https://youtu.be/GmoDN2LeUWA