(Eagle News) — Sa panahong ito na napakarami na ang mapagpipiliang klase ng timpla ng instant coffee, marami pa rin ang naghahanap ng tradisyunal na timpla ng kape.
Sa Iloilo City, mayroon na silang mapupuntahan.
Sinong mag-aakalang ang maliit na pwestong ito ni Romeo Dela Cruz ay dinarayo tuwing umaga ng mga kilalang tao sa lipunan para lamang magkape.
Ang RJ’s Capehan ay sinimulan pa ng ama ni Dela Cruz noong 1954.
Isa itong maliit na karinderya para sa mga pasahero ng tren sa Iloilo City noon, subalit nang higit na naging popular ang tradisyunal na pagtitimpla nito ng kape, ito na ang pinapagtuloy ni Dela Cruz.
Nang mapangasawa niya si Jane, pinagdugtong nila ang mga unang letra ng kanilang pangalan.
Naging supplier na sila ng kape sa mga makabagong coffee shop na itinayo sa Iloilo City ang nasabing tindahan.
Subalit ano nga ba ang sikreto?
Ang sikreto ng masarap na kape ayon sa mag-asawa ay ang pagkulo dito hindi direktang sa apoy, kundi sa pamamagitan ng steam.
Bago isalin ang kape, kailangan munang banlian ang baso upang maging mainit ang paglalagyan, para mapanatili ang sarap ng bagong lutong kape. Saka ito lalagyan ng gatas evaporada, depende sa timplang gusto ng customer.
Bagama’t kilalang-kilala na ngayon at dinarayo ng mga tao ang kapihan, hindi pa rin pinapalitan ng mag-asawa ang disenyo nito.
Nakapagtapos ng two-year vocational course sa electronics si Mang Romeo, pero pinili pa rin niya ang pagsisilbi sa mga taong naghahanap ng masarap na kape sa umaga.
Ang kape ay bahagi ng paggising sa umaga ng maraming tao sa mundo, pero para sa mag-asawang Dela Cruz, ang kape ang kanilang buhay na nagbibigay ng bago at mas malalim na kahulugan sa mga katagang “Coffee Lovers.”
(Nelson Lubao, Eagle News Service)