MANILA, Philippines (Eagle News) — Pinaghahanda na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines dahil anumang araw ay maglalabas siya ng kautusan para sa isasagawang “mass arrest” sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).
Sinabi ni Pangulong Duterte na dahil wala nang peace talks, kailangan nang arestuhin at ibalik sa kulungan ang mga lider ng grupo na pansamantalang pinakawalan noon para sa usapang pangkapayapaan.
Ayon sa Pangulo, wala siyang magagawa dahil ito ang ginusto ng mga komunista.
Una nang naglabas ng proklamasyon si Pangulong Duterte para ideklara ang CPP-NPA bilang isang teroristang organisasyon.