(Eagle News) – Upang maibalik ang dating ganda ng lungsod ng Maynila, inilatag ni 6th District Representative Sandy Ocampo ang masterplan nito para sa lungsod.
Sagot aniya ito sa lumalalang sitwasyon ng Maynila sa usapin ng kalagayan nito kung ikukumpara sa mga kalapit na lungsod na tuluyan nang umunlad gaya ng Quezon City at Makati City.
Paliwanag ng mambabatas, minsan nang tinaguriang “Paris of Asia” ang lungsod pero paglipas aniya ng panahon ay nawala ang ganda at ningning ng Maynila.
Isa aniya sa nakikita nilang mga dahilan ay ang kawalan ng displina sa pagtatapon basura na nagbubunga ng pagbaha at ang pagparada sa mga kalye na dahilan ng pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Sa isinusulong na master plan movement, nakapaloob dito ang rehabilitasyon ng lungsod at hinihikayat nito ang buong residente ng Maynila na dapat magkaroon ng pagbabago at sumunod sa mga ordinansa ng lungsod upang makamit ang pagunlad.
Dagdag pa ng mambabatas na malaki ang maitutulong sa usapin ng turismo at negosyo kung muling maibabalik ang ganda ng lungsod kung saan ang magbebenepisyo ay ang mga residente nito na maaaring magkaroon ng trabaho. Erwin Temperante