QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Inanunsyo ng Social Security System (SSS) na maaari nang magpadala ng kanilang maternity notification ang voluntary at self-employed na babaeng miyembro sa pamamagitan ng TEXT-SSS.
Sinabi ni SSS President at Chief Executive Officer Emmanuel Dooc na dahil sa TEXT-SSS, ang mga indibidwal na miyembro ay may iba nang paraan para ipaalam sa SSS ang kanilang pagbubuntis maliban sa personal na pagpunta sa SSS branch para mag-file ng maternity notification.
Sa pamamagitan ng TEXT-SSS maternity notification, hindi muna kailangang magsumite ng katibayan ng pagbubuntis ang isang miyembro.
Ipapasa lamang ang katibayan ng pagdadalang-tao kasabay ng aplikasyon ng maternity reimbursement sa SSS.
Ang pagpasa ng maternity notification sa pamamagitan ng text message ay may format at may singil na P2.50 sa bawat notification.
Narito ang format para sa maternity notification:
SSS maternitynotif <SSnumber> <pin> <expected delivery date <mm/dd/yyyy> <total number of pregnancies (kasama ang kasalukuyang pagbubuntis)> at ipadala sa 2600.
Maliban sa TEXT-SSS, maaaring ipadala ang maternity notification sa pamamagitan ng kanilang online account sa my.sss .Kailangang ilagay ng miyembro ang petsa kung kailan siya manganganak, bilang ng ipanganganak at petsa ng huling panganganak.
Nitong 2017, naglabas ang SSS ng P6.1 bilyon na halaga ng maternity benefits sa mahigit 289,000 na babaeng miyembro nito.