MANILA, Philippines (Eagle News) Susundan na rin ng lungsod ng Maynila ang yapak ng Davao City sa pagpapatupad ng smoking ban.
Nilagdaan ni Manila Mayor Joseph Estrada ang City Ordinance 7748 na nagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar gaya ng ospital,paaralan, shopping mall at iba pang matataong lugar.
Kabilang na rin ang City Hall sa mga lugar na bawal manigarilyo.
Gayunman, may designated-smoking area na inilagay para sa mga empleyado ng City Hall sa Arroceros Gate, Taft Avenue Gate at Freedom Triangle.
Mahigpit raw na ipapatupad sa maynila ang nasabing ordinansa subalit hindi nilinaw kung anong penalty o parusa ang pwedeng kaharapin ng mga lalabag.
Pakikiisa na aniya ang pagpapatupad ng smoking ban sa Maynila sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na mapababa ang bilang ng mga Filipinong maysakit kaugnay ng paninigarilyo.
Nataon naman ang paglagda sa Smoking Ban Ordinance sa Maynila makaraang tumigil na umano sa paninigarilyo si Mayor Estrada. Noong nakaraang taon, naospital si Mayor Estrada dahil sa asthma.
Eagle News Service