(Eagle News) — Kritikal ang kondisyon ngayon ni Mayor George Berris, alkalde ng Calauan, Laguna, habang patay naman ang dalawa pa nitong kasamahan matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek.
Base sa imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) – Laguna, nangangampanya sa Brgy. Imok sa nasabing bayan ang alkalde kasama ang dalawa pang kinilalang sina Leonardo Taningco at Emmanuel Peña, tumatakbong konsehal, nang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek na nakasakay sa motorsiklo.
Binaril ang mga biktima habang kumakaway sa mga taga-suporta at nakasakay sa isang campaign vehicle.
Napag-alaman ding nagpaputok pa ang suspek bago tumakas patungong San Pablo City.
Sinubok namang maiwasan ng driver ng campaign vehicle ang nasabing pag-atake ngunit nawalan ito ng kontrol at bumangga sa isang bahay ang naturang sasakyan.
Isinugod sa San Pablo City Hospital si Mayor Berris subalit agad din siyang inilipat sa Makati Medical Center, at hanggang ngayon ay kritikal pa rin ang kondisyon.
Samantala, narekober ng San Pablo PNP ang sasakyang ginamit umano ng suspek sa pagtakas habang nagpapatuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa insidente.