Mayor Sara Duterte humingi ng paumanhin sa ina ng child abuse victim

Photo courtesy: City Govt. of Davao
Photo courtesy: City Govt. of Davao

DAVAO CITY (Eagle News) – Humingi ng paumanhin si Mayor Sara Duterte kay Gng. Erlinda, ina ng child abuse victim na si Jhon Earl Cagalitan. Matatandaan na namatay si Jhon Earl sa kamay ng kaniyang guardians na sina Ronilo at Sarah Jane Alcain habang nagtatrabaho si Erlinda sa Bahrain. Ang dalawang taong gulang na bata ay inilibing na noong Miyerkules ng hapon, November 23, 2016.

Iniwan at pinaalaga umano ni Erlinda sa kaniyang pamankin na si Sarah Jane ang kaniyang anak upang makapag-trabaho sa ibang bansa at maka-ipon alang alang sa pangarap nito sa kaniyang anak. Subalit sa kasawiang palad minaltrato at inabuso ang bata ng kaniyang mga guardians na dahilan ng kamatayan nito.

Ayon kay Mayor Sara, hindi nila alam ang naging kalagayan ng bata kaya siya humihingi ng paumanhin sa ina nito. Kumuha umano siya ng private prosecutor at nangakong tutulong sa mga legal services at itutuloy ang kaso laban sa mga suspek.

Nanawagan naman ang Mayor sa publiko ng tulungan ang local government sa kampanya nito laban sa child abuse.

SaylanWens at Haydee Jipolan- EBC Correspondents, Davao City