MDRRMO-Daet, tatanggap ng Gawad Kalasag award; 15-day training para sa calamity preparedness sinimulan na

Daet, Camarines Norte – Sinimulan na nitong Agosto 15, 2016 ng Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) dito  ang 15 araw na training para sa mga miyembro nito bilang paghahanda sa sa anumang kalamidad, partikular sa inaasahang La Niña sa mga susunod na buwan.  Ito ay ginaganap sa Kalinangan Center sa Barangay Calasgasan dito sa Daet.

Ayon kay MDRRMO Head Santi Mella, bahagi lamang ito ng kanilang tuloy-tuloy na pagsasanay upang matiyak na sapat ang kakayanan at kaalaman ng kanilang mga miyembro sa pagharap sa hindi inaasahang mga kalamidad.

Umaabot sa 40 kalahok ang kasali sa 15 araw na tuloy tuloy na stay-in Emergency Response Training Course, na kinabibilangan ng mga volunteers mula sa mga MDRRMO, Philippine Red Cross (PRC), mga youth organizations, communication groups at ilang mga walk-in na nagnanais maging volunteer. Kabilang na dito ang mga dati nang miyembro ng MDRRMO na sumasailalim sa refresher course.

Mula sa MDRRMO, Bureau of Fire Protection (BFP), Phillipine Coastguard, Office of the Civil Defense (OCD), at PRC ang mga nagsisilbing facilitators sa naturang training.

Samantala, sa Agosto 17, 2016 ay nakatakdang tumanggap ng parangal na Gawad Kalasag Award ang MDRRMO sa ikalawang pagkakataon.

Sa Lungsod ng Legaspi sa Tanggapan ng Office of Civil Defense tatanggapin ni MDRRMO Head Santi Mella ang nasabing parangal bilang kinatawan ni Mayor Benito S. Ochoa.

Isa sa mga plano ng tanggapan ni Mella ang pagtatayo ng isang Community Radio Station upang mas mapalawak at mapabilis ang pakikipagugnayan nila sa mamamayan sa panahon ng kalamidad. (Eagle News/ Edwin Datan, Jr.)

Related Post

This website uses cookies.