By Jigz Santos
Eagle News Service Camarines Norte
SAN Vicente, Camarines Norte(Eagle News) — Nagsagawa ng pagpupulong ang mga nasa pangunahing sangay dito sa bayan ng San Vicente ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO Council) upang maisagawa ang mga kaukulang paghahanda sa banta ng kalamidad ng bagyong Nina (international name Nock-Ten) na inaasahang magla-landfall sa kalupaan ng Catanduanes ngayong Linggo, Disyembre 25.
Ang mga kasama sa pagpupulong ay mga kinatawan ng municipal health office, Department of Social Welfare and Development, Philippine National Police, Bureau of Fire Protection at mga punong barangay sa lalawigan ng Camarines Norte na bumubuo sa MDRRMO Council.
Ang bagyong si Nina ay maaring magdulot din ng matinding pinsala sa lalawigan kaya’t isinagawa ang nasabing pagpupulong para mapaghandaan ang papalapit na bagyo..
Ipinaalala ni Vice Mayor Antonio Villamor ang mga precautionary measures at mga bagay na dapat paghandaan ng ating mga kababayan tulad ng pagkain, inumin , medisina at baterya.
Tinalakay naman ni MDRRMO designated Engr. Domingo Baloloy ang ukol sa typhoon tracking and storm warning signal bulletin number 2, para matukoy ang eksaktong lokasyon nito.
Bukas ay isasagawa naman ng pamahalaang bayan ng San Vicente ang pagre-repack ng mga relief goods.
Ang mga concerned citizens ay bibigyan din ng cellphone load worth P100 at gasolina na naaayon sa kanilang magiging pangangailangan.