(Eagle News) – Pinag-iisipan na ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ng Negros Oriental na magdeklara na ng measles outbreak sa buong lalawigan.
Pitong lugar na sa Negros Oriental ang naunang nagdeklara ng measles outbreak, ngunit umakyat na ito sa walo.
Nagsagawa rin ng tatlong araw na fieldwork ang pinuno ng IPHO na si Dr. Liland Estacion kung saan nakumpirma niyang mayroon pang karagdagang apat na kaso ng measles sa Dumaguete City.
Mayroon ding isang minomonitor naman sa bayan ng San Jose. Masyado aniyang kalat-kalat ang mga naitatalang kaso, at sa ngayon ay inaalam pa nila kung saan ito nagmula.