Report by Sunny Liste, Courtesy of Jake Monteclaro
Eagle News Service
SAN MIGUEL, Surigao del Sur — Isinagawa ang isang medical mission para sa mga Lumads o mga katutubo sa Barangay Upper Bagyang at Calatngan, San Miguel, Surigao del Sur.
Katuwang sa nasabing medical mission si Director Jose Llacuna kasama ang labing-isang (11) personnel na ipinadala ng Department of Health (DOH) at sa pakikipagtulungan na rin ng Local Government Unit (LGU).
Hindi alintana ng medical team ang hirap at haba ng pagbabyahe sa pamamagitan ng pagbabangka sa mahabang ilog marating lamang ang nasabing mga barangay.
Mahigit 300 pasyenteng mga lumads ang naserbisyuhan, natulungan, nabigyan ng libreng konsulta, mga gamot, vitamins at iba pa.
Pananakit ng katawan at ulo, ubo at sipon ang malimit na sakit ng mga kababayan nating katutubo sa mga nabanggit na lugar. Laking tuwa at pagpapasalamat ng mga Lumads dahil minsan pa ay naalala at napuntahan muli sila kahit sila ay nasa liblib na dako.