LOOC, Romblon (Eagle News) – Patay ang isang menor de edad matapos itong mahulog sa sinasakyang jeep noong Linggo, November 20 sa Sitio Aliwanyag, Barangay Guinhayaan, Looc, Romblon. Kinilala ang biktima na si Carolina Corfel Ignacio, 15 taong gulang, estudyante, at residente ng Barangay Guinhayaan, Santa Fe, Romblon.
Sa imbestigasyon ng Looc MPS, binabaybay diumano ng pampasaherong jeep na minamaneho ni Gregorio Goco, 33 taong gulang, ang Provincial road ng mangyari ang nasabing insidente.
Ayon sa salaysay ng ilang kasama ng biktima, nasa loob diumano ang biktima ng jeep at kalauna’y umakyat ito sa bubong dahil puno na ng pasahero ang loob ng jeep. Nasa bubungan na ito ng jeep ng biglang mahulog. Naisugod pa ang biktima sa Don Modesto Formilleza, Sr. Memorial Hospital sa bayan ng Looc na kalaunan ay dinala naman sa Romblon Provincial Hospital at doon na binawian ng buhay.
Kasalukuyan namang nasa kustodiya ng Looc MPS ang driver ng jeep at nakatakdang kasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide.
(Renand Pastor – EBC Corresponent, Romblon)