(Eagle News) — Agad idineresto sa Manila Police District station 5 sa Ermita, Maynila si Lowell Menorca makaraang maaresto ito ng mga otoridad.
Mismong kasama ni Menorca sa Station 5 si Manila Police District Director General Rolando Nana.
Ilang oras na nagtagal sa loob ng investigation room si Menorca na sumailalim sa booking process
Pasado 12:30 ng hapon umalis ng station 5 si Menorca para magpa-medical exam.
Bahagi ito ng standing operating procedure ng mga otoridad sa mga nahuling indibidwal.
Kinonvoyan pa ng media ang pagpapamedical examinination nito sa Ospital ng Maynila at sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Pero bago umalis ng presinto, pinagsabihan nito ang isang pulis dahil sa umano’y pagiging kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
Nais ni Menorca na walang kasamang pulis na INC member sa kanyang pagpapa-medical exam.
Matapos ang medical exam, bumalik rin ang convoy ni Menorca sa presinto imbes na sa headquarters ng MPD.
Napasugod naman sina Atty. Trixie Angeles at ang nakababatang kapatid ni lowell na si Anthony.
Nabigla umano sila sa mga nangyari.
Iginiit nito na wala umano silang natatanggap na notice of complaint hinggil sa libel case.
Gayunman sinabi ni Angeles na nabatid nila sa mga lumabas na report sa media ukol sa mga isinampang kaso.
Kinuwestyon rin ni Angeles ang timing ng pagkakaaresto kay Menorca na nasabay pa sa nakatakda nitong cross examination sa Court of Appeals.
Pero sinabi ni MPD station 5 station commander Supt. Albert Barot na ipinatupad lang ng mga pulis ang batas upang arestuhin ang sinumang may warrant of arrest.
(Jerold Tagbo, Eagle News Service)