DAET, Camarines Norte (Eagle News) – Inihayag ng mga ahensiya ng pamahalaan ang kanilang mga plano at programa kaugnay sa epekto ng nararanasang El Niño sa isinagawang pagpupulong kamakailan.
Ito ay mga ahensiya ng National Food Authority (NFA), National Irrigation Administration (NIA), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), PENRO-DENR at Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) ng pamahalaang panlalawigan. Ayon kay Provincial Manager Chona Brijuega ng NFA, sapat ang suplay ng bigas ng Camarines Norte kung saan mayroong 69,608 bags ng bigas at 32,424 bags ng palay ang nakaimbak sa kanilang bodega na magtatagal sa loob ng 25 araw.
Ito ay magtatagal hanggang buwan ng Oktubre ngayong taon ayon sa rice distribution target ng naturang tanggapan samantalang umaabot naman 3,680 ang daily consumption rate ng lalawigan batay sa kanilang datos.
Ayon pa rin kay Brijuega mayroon na 168,00 bags ng imported rice na nakaprograma para sa taong 2016 na magagamit sa relief operation kung may tagtuyot o El Niño.
Dagdag pa niya na dagsa pa rin ang mga commercial rice sa mga pamilihang bayan dahilan sa panahon ng anihan.
Ayon kay Rogelio Tuazon ng PAGASA, ang lalawigan ay balanse pa ang panahon kumpara sa ibang probinsiya na halos sobrang init.
Aniya, ang El Niño sa rehiyong Bikol ay aabutin pa hanggang buwan ng Hunyo ngayong taon.
Sinabi naman ni Engr. Rogelio King, division manager ng NIA na patuloy pa rin ang kanilang isinasagawang rehabilitasyon sa pamamagitan ng paglilinis at pagsasaayos ng mga kanal upang maayos ang daloy ng patubig sa mga palayan.
Ganundin ang mga lugar na nangangailangan ng serbisyo ng tubig ay nagkaroon nito kung saan nadagdagan ang produksiyon ng palay ng mga magsasaka.
Ayon kay Raphy Belardo, planning officer ng OPAg mula ng magsimula ang El Niño ng nakaraang taon ay nagsagawa ang panlalawigang agrikultura ng mga pagsasanay, pagpupulong at mga pamamaraan kung paano makakatulong sa mga magsasaka na maaapektuhan nito. Batay sa kanilang talaan ay hindi masyadong naapektuhan ang mga tanim na palay kumpara sa mga gulayin na inaatake ng mga peste sanhi ng mahabang tag-init at biglang pag-ulan.
Ayon pa rin kay Belardo, ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ay nakatalaga sa kanilang tanggapan sa kapitolyo na makakatulong sa mga magsasaka na maaapektuhan ang kanilang mga pananim.
Sinabi naman ni Ma. Paz Yanto, supervising ecosystem management specialist ng PENRO-DENR, ang pamahalaan ay ipinapatupad ang National Greening Program (NGP) sa ating bansa na makapagtanim ng 1.5 bilyon puno sa 1.5 milyong ektarya sa loob ng anim na taon na nagsimula pa taong 2011.
Sa Camarines Norte, target na matapos ang 17,125 sa taong 2016. Katuwang ng naturang tanggapan ang Peoples Organizations (POs) sa pagtatanim, samantalang ang Philippine National Police (PNP) at ang Philippine Army (PA) para sa pagbabantay partikular na sa mga lugar na may tanim na puno. (Eagle News/Edwin Datan, Jr.)