MANILA, Philippines (Eagle News) — Natapos na ang isinagawang Executive Crash Course on Legislation para sa mga bagitong kongresista. Hinati sa tatlong batch ang mga baguhang kongresista na sumalang sa crash course.
Kasama sa last batch na sumalang sa crash course sina Batangas Rep. Vilma Santos-Recto, Cavite Cong. Strike Revilla, Tarlac Rep. Geraldine Roman, Makati Rep. Monsour Del Rosario at iba pa.
Ayon kay House Secretary General Marilyn Barua Yap, sa kabuuan ay mahigit isandaang kongresista ang sumalang sa legislative crash course mula nang umpisahan ito tatlong linggo na ang nakakaraan.
Ang bawat batch ay nagtatapos ang crash course sa mock session sa plenaryo ng Kamara.
Dito binigyan ng briefing ang mga neophyte congressman sa mga proseso na ginagawa sa loob ng plenaryo tuwing may sesyon.
Ipinakilala rin isa isa ang mga head ng Committee Secretariat ng Kamara.
Pagkatapos nito ay mayroon ding graduation ceremony na hudyat ng kanilang pagtatapos sa legislative crash course at pagiging handa sa pagsalang sa trabaho bilang mambabatas.