Mga bakwit, maaari nang tumira sa 500 temporary shelters sa Marawi

(Eagle News) – Nasa 500 unit ng temporary housing sa Sagunsungan, Marawi City ang maaari ng gamitin at patirhan sa mga “Bakwit.”

Sa update ng National Housing Authority maaari na itong tirhan at kumpleto raw sa suplay ng tubig at kuryente.

Ayon sa NHA, nagkakahalaga ng 1 bilyong piso ang budget allocation para sa 6,400 na temporary shelter.

Bahagi ng plano ang pagtatayo ng mga livelihood center gaya ng palengke terminal at iba pang pangkabuhayan para sa kanilang hanap-buhay.

Target naman ng NHA na tapusin ang lahat ng temporary shelter sa loob ng dalawang taon.

Sa mga dialogue at consultation sa mamayan at Local Government Units (LGUs) posible raw na dagdagan o lakihan ang sukat ng mga shelter.

Base na rin sa mga request ng mga leader para sa mga mas maraming myembro ng pamilya, target rin nilang maitayo ang mga housing project sa mas malapit na sa ground zero.

Plano rin ng NHA ang magtayo ng limang low rise building sa Marawi para naman sa mga public school teachers at mga government employee.

Iminungkahi rin ni NHA General Manger Marcelino Escalada Jr., sa pangulo ang planong pagkakaroon ng magandang option sa mga pabahay na para naman sa mga pulis at sundalo sa Bulacan kung saan ang ibang unit ay inukupahan na ng mga miyembro ng Kadamay.

Ayon pa kay Marcelino, seryoso silang ipatupad ang direktiba ng Pangulong Duterte ukol sa rehabilitation ng Marawi at huwag ng maulit pa ang nangyari sa Yolanda.

Mas lalo pa raw nilang pinaigting ang pakikipag-ugnyan sa LGUs dahil ito raw ang naging kakulangan noong mga nagdaan administrasyoon sa paglutas sa mga suliranin at para angkop ang mga gagawing proyekto sa pangangailangan ng mamamayan.

Samantala, nasa 2 bilyong piso ang proposed budget ng NHA para sa pagtatayo ng 2,700 na permanent housing sa Marawi City.

( Gerald Rañez, Eagle News Service)