Mga bayarang hukom, binantaan ni Pangulong Duterte

(Eagle News) — Muling nagbabala si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga hukom sa gitna ng kabi-kabilang mga nakalinyang proyekto ng pamahalaan kagaya ng Build, Build, Build infrastructure projects ng administrasyon.

Sinabi ng Pangulo sa mga judge na pag-isipang mabuti ang magiging epekto sa mga kaliwa’t kanang government projects sa pag-iisyu ng mga ito ng injunction order kapalit ng pera.

Banta ng Pangulo sa mga hukom na umayos at huwag maging daan upang maantala at matengga ang mga proyekto ng gobyerno sa pamamagitan ng pag-iisyu ng cease and desist order.

Ayon sa Pangulo, nakakadismaya na mas tumatagal ang delay sa mga government project kapag nagkaroon pa ng apela sa Court of Appeals na minsan ay umaabot pa ng sampung taon.

Iginiit ng Pangulo na masama ang ginagawa ng mga tiwaling hukom dahil ang resulta hanggang ngayon ay lutang pa rin ang Pilipinas at hindi maka-usad dahil sa epekto ng mga naiisyung injunction order ng ilang judges.