(Eagle News) — Umabot na sa 103.3 million pesos ang halaga ng naipagkakaloob na tulong sa mga pamilyang labis na apektado ng bagyong urduja na nanalasa sa bansa ngayong buwan.
Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Mina Marasigan, ibinigay ang tulong sa mga apektadong pamilya sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga local government unit sa Mimaropa, Caraga at sa Regions 5,6,7 at 8.
Labing-apat na lugar aniya sa Mimaropa at Region 8 ang isinailalim sa state of calamity dahil sa epekto ng bagyong Urduja.
Nasa walongdaan at sampung (810) pamilya ang patuloy pa rin na tinutulong sa loob at labas ng mga evacuation center.
Umabot naman sa 1.6 billion pesos ang halagang napinsala sa imprastraktura at agrikultura dahil sa bagyong urduja.
Patuloy namang bineberipika ng NDRRMC ang ulat sa apatnapu’t pitong nasawi at apatnapu’t apat na nawawala dahil sa nasabing bagyo.