(Eagle News) — Maaaring magsampa ng kaso ang mga residente at negosyong naapektuhan ng water interruptions ng Manila Water Company.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, kung mapatutunayang may kapabayaan ang Manila Water, lalo’t ang krisis ay hindi sanhi ng natural causes of force majeure, pwedeng magsampa ng civil case ang consumers.
Ang ‘force majeure’ ay depensa sa mga civil cases kung saan exempted ang tao o grupo na magbayad ng danyos kung mapatutunayan na walang nangyaring kapabayaan.
Paliwanag ni Guevarra, dapat ay may ebidensya na nagpabaya ang Manila Water bago makapaghain ng civil case.
Ang pahayag ng DOJ ay kasunod ng naging pahayag ng grupong bayan muna na ikinokonsidera nilang maghain ng class suit laban sa Manila Water.
Naniniwala ang Bayan Muna na nagpabaya ang Manila Water kaya’t nararanasan ang krisis sa tubig.