DAVAO City, Philippines (Eagle News) – Nagpalabas ng memorandum sa buong gusali ng City Hall si Atty. Zuleika T. Lopez, City Administrator, na nagbabawal sa lahat ng mga empleyado ng City Hall sa paglalaro ng popular na Role Playing Games (RPG) Pokemon Go, Dota at iba pang mobile application na mga laro.
Ayon kay Lopez, bagama’t may libreng Wi-Fi na ang buong gusali, ngunit pinapayagan lamang umano ang mga empleyado na maka-access sa mga websites na hindi makaka-abala o makaka-apekto sa kanilang mga trabaho.
Matatandaan na nagkaroon ng bagong proyekto ang City Government at Department of Information and Communication Technology (DICT) na tinatawag na ‘Juan Konek’ kung saan ay nagkaroon ng libreng internet access ang buong gusali ng City Hall ganoon din ang ilang parke sa lungsod ng Davao.
Sa ipinalabas na memorandam, hindi rin pinapayagan ang blogging, downloading, panunood ng videos at paggamit ng online shopping sites sa oras ng trabaho.
Samantala, restricted naman ang Facebook, Twitter, Instagram at Lazada sa City Hall.
Courtesy: Haydee Jipolan -Davao City Correspondent