MEYCAUAYAN, Bulacan (Eagle News)– Bilang pagsalubong sa unang araw ng pasukan, namahagi si Meycauayan Mayor Henry Villarica ng mga libreng bag at mga gamit eskwela sa lahat ng mga estudyente sa mababang paaralan ng Meycauayan West Central School (MWCS).
Bago isinagawa ang kanilang flag ceremony, nagtulong-tulong muna ang ilang mga guro at magulang na linisin at tanggalan ng tubig ang covered court ng paaralan na bunga ng katatapos lamang na pag-ulan.
Pagkatapos ng seremonya ay nagpakilala isa-isa ang mga guro at faculty staff saka nila ginabayan patungo sa kani-kaniyang silid-aralan ang mga nakapilang estudyante.
Bukod pa rito, mayroon ring mga karadagang gusali ang kasalukuyang itinatayo sa nasabing paaralan upang paghandaan ang lumalaking bilang ng populasyon sa MWCS.
Ang MWCS ay isa sa mga paaralan sa Meycauayan, Bulacan na mayroong malaking bilang ng mga mag-aaral taon-taon.
Noong nakaraang taon ay umabot sa 2,100 ang mga estudyanteng nagpatala sa eskwelahan.
Inaasahan naman ng ilan pang mga guro na lalo pa itong madaragdagan dahil hanggang ngayon ay tuloy-tuloy pa rin ang pagtanggap nila ng mga estudyante.
Bantay sarado rin ng mga barangay tanod ang paaralan upang tiyakin ang kaligtasan ng mga nagsisipagpasok. Joey Tagum