Mga gurong lumipat sa public schools, problema ngayon ng DepEd

(Eagle News) – Hinaharap ngayon ng Department of Education (DepEd) ang hamon ng paglipat ng mga guro mula sa private schools papunta sa mga pampublikong eskwelahan.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, sa gitna ng isyu ng hirit na umento sa sahod ng mga public school teachers ay dapat tugunan ng DepEd ang migration o paglipat ng mga private school teacher dahil sa mas malaking sweldo sa public schools.

Sinabi ni Briones na bukod sa problema sa mga guro ay kinakaharap din ng ahensya ang kakulangan ng space para sa mga bagong eskwelahan. Isa aniyang ginagawa ng DepEd ay ang pagpapagamit sa ilang pasilidad kabilang na ang malalaking opisina at kwarto sa loob ng eskwelahan kung saan nililipat ang mga paaralan na kulang sa classrooms.

Samantala, kaugnay naman ng K-12 program ng gobyerno, itinanggi ng kalihim na layon ng programa na magtrabaho na agad ang senior high school graduates at hindi na magkolehiyo.

Ayon pa kay Briones, mas marami pa ring nagtapos ng Senior High School ang nais na magpatuloy ng pag-aaral sa mga unibersidad at kolehiyo kung saan bentahe nila ang naturang programa. (Eagle News Service)

Related Post

This website uses cookies.