Sa harap ng mga paninira at pagsubok na pinagdaraanan ng Iglesia Ni Cristo, di mapigil ang patuloy at malalaking aktibidad at gawain nito.
Kabilang na rito ang sunod-sunod na pagpapatayo ng maraming gusaling sambahan sa iba’t-ibang probinsya maging sa mga liblib na lugar sa bansa.
Itinataguyod din ng INC ang paglingap sa kapwa lalo na sa mga kababayan nating nangangailangan.
Panoorin ang report ni Judith Llamera:
Unang buwan pa lang nitong taon, tatlong barangay chapel ng Iglesia Ni Cristo sa Iloilo ang pinasinayaan sa loob lamang ng isang araw.
Matatagpuan ang dalawang barangay chapel sa Brgy. San Roque at Brgy. Lumbia na sakop ng bayan ng Estancia.
Samantala, ang isang barangay chapel naman matatagpuan sa Brgy. Tamange sa bayan ng San Dionisio.
Bagamat magkaibang oras, sabay-sabay na pinasinayaan sa loob ng isang araw ang mga nasabing kapilya.
Lubhang kinasabikan ito ng maraming myembro ng Iglesia Ni Cristo sa mga nabanggit na lugar.
Maagang tinungo ng mga kaanib ang naturang mga kapilya upang saksihan ang pagpapasinaya sa pamamagitan ng Pagsamba.
Lubos ang pasasalamat ng mga myembro ng inc sa dakong ito, una sa panginoong diyos at sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo, ang kapatid na Eduardo V. Manalo.
Bagamat nasa liblib na dako raw sila ay patuloy silang naalaala at silay pinatayuan ng maganda at bagong gusaling sambahan para dito isagawa ang Pagsamba nila sa Panginoong Diyos.
Nangako ang mga ito na ipagmalasakit ang gusaling sambahan at patuloy silang susunod at pasasakop sa Pamamahala at itataguyod ang solidong pananampalataya.
(Ramie Inventor, Eagle News)
Sa Bohol naman ay patuloy din ng pagtatayo ng mga kapilya ng Iglesia Ni Cristo.
Kaugnay nito, isinagawa ang pagpapasinaya sa bagong barangay chapel ng INC sa Barangay Alegia, sa bayan ng Loay, Bohol, extension ng Lokal ng Alburquerque.
Ang pagpapasinaya ay pinangasiwaan ng Bohol District Minister Libby Aba.
Anya, ang bagong barangay chapel ng Alegria ay ang unang gusali na pinasinayaan sa taong 2016.
Sa kabuuan ay mayroon ng 33 mga gusaling sambahan ng Iglesia Ni Cristo ang naipatayo sa probinsya ng Bohol sa kabila nang pagtama doon ng malakas na lindol noong Oktubre 15, 2013.
Lubos ang kagalakan ng mga kaanib ng Iglesia Ni Cristo sa mga nakatala doon sapagkat binigyan sila ng Pamamahala ng Iglesia, ng Kapatid na Eduardo V. Manalo, ng bago at magandang kapilya sa kanilang lugar.
(Eileen Rosales, Eagle News)
Daang-daang sako ng bigas ang dumating sa mga compound ng Iglesia Ni Cristo na siyang ililingap sa mga kababayan nating Lumad ng barangay Danlag, bayan ng Tampakan, South Cotabato.
Ito ay isasagawa sa darating na Enero 30, 2016 na ayon sa aming source ay pangungunahan ni Kapatid na Glicerio Santos Jr. Ang Lingap sa Mamamayan sa nasabing lugar.
Hindi magkamayaw sa pagre-repack ng bigas ang mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa dakong ito. Kahit na sila ay nakaramdam ng init at pagod ay masaya parin sila na gumagawa pagkat ayon sa kanila ay kaligayahan nila na sa pamamagitan nito ay naihahayag ang kanilang pakikiisa sa Pamamahala ng Iglesia Ni Cristo.
Samantala, dumating naman ang ilang unit ng sasakyan sa compound ng Iglesia Ni Cristo sa Koronadal City na gagamitin sa mga aktibidad ng Iglesia Ni Cristo maging sa binuksang eco-farming sa nasabing area.
(Ronie del Rosario, Eagle News)