Mga hindi mapagbibigyan, ‘wag magtampo – Dela Rosa

Screen shot 2016-06-03 at 9.18.18 PM
PC/Supt. Ronald dela Rosa

(Eagle News) — Ilang linggo bago ang kanyang pag-upo bilang Philippine National Police (PNP) chief, aminado si PC/Supt. Ronald dela Rosa na marami nang opisyal ang humihiling sa kanya na mabigyan ng magandang pwesto sa PNP.

Ayon kay Dela Rosa, hindi na siya nawawalan ng bisita sa kanyang opisina buhat nang mapabalitang siya ang napili ni president-elect Rodrigo Duterte bilang susunod na pinuno ng PNP.

Pero giit naman ng heneral, maingat niya aniyang pinipili ang kaniyang magiging mga opisyal upang tiyak aniyang makakatuwang niya sa pagsugpo ng krimen at droga sa loob ng tatlo hangang anim na buwan.

Sa ngayon, wala aniya muna siyang kinikilalang kaklase, kaibigan at mga pakiusap sa pagtatalaga ng opisyal lalo’t malaki ang inaasahan sa kaniya ng susunod na pangulo.

Kaya naman pakiusap ni Dela Rosa sa mga kabaro nya, huwag aniyang kontrahin ang pag-upo ng mga napili niyang opisyal at huwag aniyang magtampo kung hindi sila mapagbibigyan sa kanilang mga hinihinging puwesto.

Sa ngayon, halos makukumpleto na aniya ang listahan ng kanyang mga opisyal na ilalagay sa kanyang command group, directorial staff at ang kanyang mga regional director.