PAGADIAN CITY, Zamboanga del Sur (Eagle News) – Iniimbestigahan ngayon ang dalawang babae na hinihinalang supporter ng Maute at dalawang lalaki naman na hinihinalang supporter ng Abu Sayyaf Group matapos maaktuhan ng pulisya na bumibili ng iba’t ibang klaseng gamot sa isang pharmacy sa Pagadian City kamakailan.
Kinilala ang mga suspek na sina Reem Sacampong Arimao, 22 taong gulang, clinical instructor sa Mindanao Institute of Health Care Professional na matatagpuan sa Barrio Green, Marawi City, at kapatid nito na si Amal Sacampong Arimao, volunteer worker sa Kapamagogopa Incorporated na matatagpuan sa Iligan City.
Pawang mga residente ang dalawa ng Ditsa-an Ramain, Lanao del Sur.
Ang dalawang lalaking suspek naman ay kinilalang sina Jadzrie Harad Saabdula, 50 taong gulang, nurse sa Tongkil Municipal Hospital, at residente ng Zamboanga City; at si Jamal Kalib Jamil, 18 taong gulang, residente ng Tongkil, Sulu.
Si Saabdula ay kapatid umano ng Abu Sayyaf Group commander na kinilalang si Kumander Global.
“As of now yong apat nasa custody natin. We are conducting (an) investigation on them. We are waiting for the responses of other agencies, like chineck namin kung may pending warrant of arrest sila,” sabi ni Senior Supt. Alan Nazarro ng Philippine National Police.
Dagdag ni Nazarro, nasabihan na nila ang mga ospital kasama na ang mga pharmacy na agad magsumbong sa pulis kung may mga sibilyan na bumibili ng bulto-bultong mga gamot.
“Actually, right after the Marawi incidents, we made coordination with different hospitals, hotels to include these pharmacies, to report to us if there are those who purchase, yong bulto-bulto na large amount of medicine and so on and so forth. So, in this case, bumili sila ng antibiotic, marami, so that was the point na it was reported to us,” sabi pa niya.
Aniya ang dalawang lalaki umano ay isinailalim na rin sa paraffin test at negatibo naman ang resulta.
Nag-coordinate na din aniya sila sa PNP sa Autonomous Region in Muslim Mindanao para tiyakin na hindi nasasangkot sa anomang illegal na gawain ang mga ito sa kanilang lungsod.
“So, as of now hinihitay pa namin ang result kung meron. And then, we have also made contact with ARMM to check kung kilala nila ang mga taong ito,” dagdag pa ni Nazarro.
Jake Monteclaro – Eagle News Correspondent