QUEZON CITY, Philippines (Eagle News) — Ang mga iligal na umookupa sa forest land ng Boracay ang susunod na magiging target ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon sa DENR, 174 na show-cause orders na ang nalagdaan at nakatakdang ilabas sa mga illegal forest occupant na nasa forest land ng Boracay.
Sabi ni DENR-Western Visayas Regional Director Jim Sampulna, mula noong Hulyo nang nakaraang taon, umabot na sa 842 ang iligal na umookupa sa forest land.
Makikipag-pulong aniya sila sa mga ito at kung hindi makakapag-prisinta ng anumang dokumento na makapagpapatunay na legal ang kanilang pag-okupa ay sasabihan nila ang mga ito na umalis sa lugar.
Samantala, mula sa kasalukuyang 25-meter no-build zone, palalawigin din ng DENR ang easement ng limang metro sa pagitan ng pampang at mga establisyimento sa beachfront ng Boracay Island.
Umabot na sa 51 establisyimento sa Boracay ang nabibigyan ng Environmental Management Bureau (EMB) ng notices of violations.
Ito ang unang batch sa 300 establisyimento na tinukoy ng EMB na lumabag sa kondisyon sa kanilang Environmental Compliance Certificates. Aily Millo