Mga kababayang apektado ng Marawi crisis, nilingap ng Iglesia Ni Cristo

(Eagle News) — Libu-libong kababayang apektado ng Marawi siege ang nakinabang sa lingap na isinagawa ng Iglesia Ni Cristo sa Baloi, Lanao del Norte.

Karamihan sa mga ito ay lumikas sa mga kalapit lugar nang sumiklab ang kaguluhan sa Marawi nitong Mayo.

Ang relief distribution ay ginawa sa Gumampong Gymnasium, West Poblacion, Baloi, Lanao Del Norte.

Maaga pa lamang nang pumila ang mga kababayang apektado ng kaguluhan.

Wala namang pinipili sa pamamahagi ng relief goods na naglalaman ng bigas, sardinas at kape.

Sakay ng apatnapu’t dalawang winged vans ang relief goods na ipinamahagi sa humigit kumulang na  animnapung libo-katao.

Nakiisa naman ang local government unit officials pati na ang iba pang mga otoridad para mapanatili ang peace and order sa venue ng relief goods distribution.

Evacuees, nagpasalamat sa paglingap ng Iglesia Ni Cristo

Malaki ang pasasalamat ng mga evacuee dahil malaking tulong anila ang kanilang natanggap para sa pangkain sa araw-araw.

Lubos din ang pasasalamat ng mga Muslim leader sa tulong na ibinigay ng Iglesia Ni Cristo.

Sa bayan ng Baloi, ang halaga ngayon ng kada kilo ng bigas ay nasa pagitan ng Php 98.00 hanggang PHP 120.00 pesos kada kilo.

Mayroon pang gagawing lingap ang Iglesia Ni Cristo sa mga susunod na araw.

Ito ay isasagawa naman sa Barra Opol at Balulang sa Cagayan De Oro, Misamis Oriental kung saan marami ring Bakwit mula sa Marawi ang pansamantalang nanunuluyan.

(Eagle News Service, Ailly Millo)

Related Post

This website uses cookies.