(Eagle News) — Malaking tulong aniya ang paglalagay ng bakod sa kahabaan ng Manila Bay upang hindi na maakit ang mga kabataang maligo sa nasabing karagatan na mayroon pang mataas na coliform level.
Dahil dito, hinimok ni Manila City Adminstrator Atty. Jojo Alcovendaz ang publiko na imbes na maligo sa Manila Bay ay magtungo na lamang sa mga sports complex at doon maaaring maligo ng libre sa mga swimming pools.
Halimbawa aniya nito ay ang Dapitan Sports Complex, Tondo at ang bagong gawang Paraiso ng Kabataan.
Bukod aniya sa libre ang paliligo, mayroon pang lifeguard na nakabantay sa mga nasabing sports complex.
“Sadyang marumi pa rin ang tubig dyan bagamat walang solid waste na makikita. Kung gusto nilang maligo magpunta na lang sila sa mga sports complex, doon ay libre ang paliligo at meron pang lifeguard na magbabantay sa kanila,” ayon kay Alcovendaz.
Sinabi pa ng City Administrator na tuwing summer ay nagkakaroon rin ng swimming lessons sa mga nasabing sports complex at ipinagkakaloob ito ng libre.
Samantala, nagtalaga na ang Manila City government ng mga pulis na magpapatrolya sa Manila Bay upang matiyak na wala nang maliligo sa karagatan.
Ang mga batang mahuhuling naliligo sa karagatan ay dinadala sa Social Welfare office ng Maynila upang payuhan.