MARIVELES, Bataan (Eagle News) – Dumagsa sa Comelec ang mga kandidato para sa barangay at SK elections sa ikalimang araw ng filing ng certificate of candidacy (CoC) sa bayan ng Limay at sa bayan ng Mariveles, Bataan.
Ayon kay Limay Comelec Election Officer Jenny Maglaque Manalo, nasa mahigit 200 kandidato ang nag-file ng CoC sa panglimang araw ng filing sa kanilang tanggapan.
Ito ay taliwas sa mga nagfile noong mga nakakaraang araw na hindi man lang umabot ng 100.
Noong Linggo, Abril 15 ay iisang kandidato lang ang nagfile ng CoC.
Ayon naman kay Mariveles Election Officer Eleazar Joy Caro, umabot sa mahigit 300 kandidato ang nag-file ng CoC sa Mariveles sa pang-limang araw, kumpara sa mahigit 100 lang sa mga nakaraang araw.
Pinayuhan ng Comelec ang lahat ng kandidato sa Bataan sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Gilbert Almario, provincial election supervisor, na sundin ang nakatakdang election campaign period mula May 4 hanggang May 12, 2018.
Marapat aniya na sundin ang 2×3 feet na sukat ng poster at ilagay lamang ang mga ito sa mga lugar na pinapayagan ng Comelec.
Mahigpit na ipinagbabawal umano ang pagkakabit sa mga puno, poste ng ilaw o kawad ng kuryente at sa mga pribadong lote o lugar na walang pahintulot ng may-ari. Larry Biscocho, Antonio Garcia