Mga lugar na apektado ng baha, ininspeksyon ni Pangulong Duterte

(Eagle News) — Personal na ininspeksyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang  mga lugar na naapektuhan ng matinding pagbaha dulot ng Habagat matapos ang isinagawang briefing ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Malacañang Golf Club House.

Kasama ang ilang miyembro ng gabinete, nagsagawa ng aerial inspection si Pangulong Duterte sa La Mesa Dam, Marikina River at Pasig River.

Screen shot 2016-08-15 at 7.47.56 PM

 

Sa briefing, isa sa binigyang-pansin ng pangulo ang epekto ng mga pagbaha sa sektor ng agrikultura.

Ipinatitiyak din ng pangulo kay Department of Social Welfare and Development Secretary Judy Taguiwalo ang sapat na supply ng food packs para sa mga apektadong mamamayan, partikular ang mga pre-positioned relief sa mga pamilyang inilikas sa mga evacuation centers.

Kaugnay na rin ito ng projection na magtutuluy-tuloy ang pag-ulan sa susunod na limang araw.

Inalam din ng pangulo sa DSWD kung anu-ano ang mga tulong na ipinagkakaloob sa mga biktima maging ang seguridad ng mga nasa evacuation center, at ang mga ari-ariang naiwan sa kanilang mga binahang tahanan.

Kasama sa mga ipinatawag sa Malacañang briefing sina NDRRMC Executive Director Ricardo Jalad, Defense Secretary Delfin Lorenzana, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Acting Chairman Emerson Carlos, Executive Secretary Salvador Medialdea at DSWD Sec. Judy Taguiwalo.

Tuloy namang nakatutok ang palasyo sa mga update sa mga lugar na naapektuhan ng Habagat.