Mga magpapatunay na terrorist group ang NPA, inihahanda na ng DOJ

MANILA, Philippines (Eagle News) — Inihahanda na ng justice department ang mga dokumento at testigo na magpapatunay na teroristang grupo ang Communist Party of the Philippine-New People’s Army (CPP-NPA) gaya ng inihayag ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni Senior Assistant State Prosecutor Peter Ong na natokahan sa paghahanda ng petisyon laban sa CPP-NPA, nakatutok sila sa mga pagkilos na ginawa ng makakaliwang grupo mula nang magsimula ang Duterte administration.

Nasa labinlimang insidente aniya ng pananalakay ng mga rebeldeng grupo ang kasama sa kanilang draft kabilang na rito ang pangyayari sa Northern Samar kung saan nagsasagawa ng rescue operation ang mga pulis nang tambangan ng mga NPA.

May nakuha ring report ang Department of Justice (DOJ) na nadamay sa opensiba ng NPA ang apat na buwang gulang na sanggol maging ilang dayuhan at maraming pulis ang nasasawi sa pagsalakay ng mga rebelde.

Tanging korte lang ang makakapag-deklara na terorista ang mga miyembro ng CPP-NPA ayon na rin sa Human Security Act.

Kung mangyayari ito ay maaaring humingi sa korte ng pahintulot upang mamonitor ang lahat ng galaw ng mga terorista at makontrol sa mga bank account ng mga ito.

Aabutin pa ng halos isang buwan bago tuluyang matapos ang draft ng petisyon ng DOJ.

Hindi pa naman natutukoy kung saang korte isusumite ang masabing petition.

Ginawa ng DOJ ang hakbang na ito alinsunod narin sa nilalaman ng Sec. 17 ng RA No. 9372 o ang Human Security Act of 2007.

https://youtu.be/3F9uXFGy8xI