VILLASIS, Pangasinan (Eagle News) – Matagumpay na naisagawa ng mga miyembro ng Iglesia Ni Cristo sa lalawigan ng Pangasinan ang Blood Donation. Isinagawa nila ito sa Villasis Gymnasium, Villasis, Pangasinan noong Sabado,Enero 14.
Maaga pa lang ay dumating na ang mga miyembro ng INC sa dakong pagdadausan ng aktibidad. Sila ay nagmula pa sa iba’t ibang lugar na sakop ng Distrito ng Pangasinan East.
Tinatayang aabot sa mahigit na 360 katao ang nakipagkaisa sa nasabing aktibidad. Pinangunahan ito ng mga Ministro ng ebanghelyo at mga evangelical worker ng INC katuwang ang nasa kapisanang Society of Communicators and Networkers (SCAN) International.
Ayon kay Aljim Gasmen, isa sa mga volunteer blood donor, masaya aniya siya dahil bukod sa pakikiisa niya sa panawagan ng namamahala ng INC ay nakatulong din siya sa mga nangangailangan ng dugo.
Ayon naman kay Rodina Basanio, Chief Medical Technologist ng Region 1 Medical Center, napakalaking tulong aniya ang ganitong aktibidad ng mga INC dahil nasasapatan ang supply ng dugo sa mga hospital. Dagdag pa, ang mga INC rin ang may pinakamarami at pinakamaayos pagdating sa ganitong aktibidad.
Umabot din sa 149 bag ng dugo ang nakuha na ididiretso sa blood bank na pangunahing nagsusupply ng dugo sa mga ospital na nangangailangan. Malaking tulong din ito sa mga pasyente lalo na sa mga donors dahil sila ang prayoridad na makikinabang sa mga dugong kanilang idinonate.
Layunin ng ganitong aktibidad na masapatan ang pangangailangan ng dugo sa mga ospital at matulungan ang mga pasyente na nangangailangan nito.
Raff Marquez at Peterson Manzano – EBC Correspondent, Villasis, Pangasinan