Eagle News — Muling nagpa-alala ang National Housing Authority (NHA), sa grupo ng KADAMAY na hindi otomatikong mapapasa-kanila ang inokupahang pabahay ng gobyerno sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay NHA spokesperson Elsie Trinidad, susuriin pa ang kanilang kwalipikasyon na magkaroon ng pabahay.
Kabilang aniya sa proseso ang pagkuha ng pangalan, pag-po-profile at ang ‘vetting procedure’ para malaman kung sila ay dati nang nagawaran ng pabahay.
Una nang inokupahan ng ilang miyembro ng KADAMAY ang mga nakatiwang-wang na pabahay ng gobyerno na para sana sa mga miyembro ng Armed Forces Of The Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Paliwanag pa ni Trinidad ang mga unit na nasa ilalim ng AFP-PNP Housing Projects na tinukoy ng AFP-PNP Housing Board na hindi kabilang sa ‘master list’ hanggangg June 15 ay maaaring maigawad sa mga miyembro ng KADAMAY oras na bigyan ng authority ng kongreso ang NHA na ipamahagi ito sa mga alternatibong benepisyaryo tulad ng informal sector, guro at opisyal ng barangay.