Mga naghain ng reklamo vs Sen. Trillanes ikinasiya ang pasya ng Pasay Prosecutor’s Office

(Eagle News) — Ikinatuwa ng grupo ni Labor Undersecretary Jacinto Paras ang naging desisyon ng Pasay City Prosecutors Office na kasuhan ng inciting to sedition si Senador Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Paras, hindi nila pine-personal si Trillanes, sa halip nais nilang bigyan ng leksiyon ang senador sa mga binibitawan nitong salita na maliwanag na pambabastos sa kasalukuyang administrasyon.

Paliwanag pa ni Paras, hindi nila sinisikil ang kalayaan ng mambabatas sa malayang paghahahayag ng kaniyang saloobin, damdamin at opinyon, ngunit ang hindi katanggap-tanggap ang ginagawa ng Senador na hikayatin ang publiko na mag-aklas laban sa pamahalaan.

Ayon naman kay Atty. Manuelito Luna, isa sa mga nagsampa ng reklamo laban kay Trillanes, hindi maaaring magtago sa immunity ang Senador dahil ang mga binibitawan nitong salita ay humihikayat sa publiko maging sa sandatahang lakas ng bansa na huwag sumunod sa Pangulo ng bansa na maaaring mauwi sa kaguluhan.

Sa resolusyon na inilabas ng Pasay City Prosecutor’s Office, kinakitaan ng sapat na batayan upang sampahan ng kasong inciting to sedition si Senador Trillanes dahil sa mga pananalita na binitawan nito noong Setyembre 5, 2018.

Hamon naman ni Luna sa Senador, harapin ang kaniyang kaso at huwag idaan sa delaying tactics ang diskarte nito.

Isa hanggang anim na taong pagkakakulong ang maaaring kaparusahan ng kasong inciting to sedition ngunit bailable naman ito o maaaring magpiyansa sa naturang kaso. (with a report from Erwin Temperante)

Related Post

This website uses cookies.