(Eagle News) – Maaari umanong mas tumaas pa ang bilang ng mga taong dinadapuan ng trangkaso at ito ay tatagal pa hanggang Marso.
Ayon sa Department of Health (DOH), ang trangkaso o flu ay isang viral illness, kung saan ay taun-taon daw may iba’t-ibang strain ang maaaring dumapo sa tao.
Kabilang sa sintomas ng trangkaso ay lagnat, kung minsan daw ay walang lagnat, sipon, ubo, pananakit ng lalamunan, matinding ginaw at karaniwan ay walang ganang kumain ang dinapuan ng naturang sakit.
Maaaring umabot ang trangkaso ng isang linggo o mahigit pa kung mahina ang resistensya ng pasyente.
Sabi pa ng DOH, wala din daw antibiotic na dapat inumin ng isang may trangkaso, maliban na lamang kung may malalang ubo, ngunit kailangan pa rin na ikonsulta sa doktor kung nais na uminom ng antibiotic.
Dapat ding obserbahan ang pasyenteng may trangkaso dahil kung siya ay nanghihina na, kailangang dalhin na ito sa ospital upang malapatan ng angkop ng lunas.
Payo pa ng DOH, upang hindi mahawa ang kasama sa bahay sa pasyenteng may trangkaso, maghugas ng kamay o mag-alcohol, at magsuot ng mask, bilang preventive measures.
Binigyang-diin pa ng DOH na mas mapanganib ang trangkaso sa mga senior citizen at mga bata lalo na at masabayan ito ng bacterial infection kung kaya mainam din na magpa flu vaccine ang mga nabanggit. (Eagle News Service Belle Surara)