Mga tauhan ng PNP-Directorate for Police Community Relations at Engineering Service, bumisita sa INC Museum

Ni Mar Gabriel
Eagle News Service

 

(Eagle News) — Personal na binisita ng mga opisyal at tauhan ng Philippine National Police Directorate for Police Community Relations (PNP-DPCR) ang bagong Iglesia Ni Cristo Museum sa Central Avenue sa Quezon City.

Pinangunahan ito ni Police Brig. Gen. Bartolome Bustamante na isang kaanib sa Iglesia Ni Cristo.

Layon ng kanilang pagbisita nitong Huebes, Pebrero 20, na makakuha ng mga ideya at konsepto sa isang state-of-the-art museum tulad ng INC Museum para sa planong pagpapaganda ng museo ng PNP.

“Yung ating Chief PNP, si General Archie Gamboa, gustong i-improve ang ating PNP museum kaya minabuti po na humingi kami ng tulong dito po sa pamunuan INC at kami naman ay napaunlakan kaya nandito ang aming team para magsiyasat kung paano i-present ang makulay na kasaysayan ng PNP,” sabi pa ni Police Brig. Gen. Bustamante ng PNP-DPCR.

Mga pulis humanga sa ganda ng INC museum

Sa simula pa lang ng tour, hindi na naitago ng mga pulis ang pagkamangha sa ganda ng INC museum

Nakita nila ang naging abang simula ng INC sa panahon ni kapatid na Felix Manalo na kinikilala ng INC na ‘Sugo ng Diyos sa mga Huling Araw’,  hangang sa kasalukuyang kalagayan ng Iglesia Ni Cristo sa ilalim ng pamamahala ng kapatid na Eduardo V. Manalo

“Dahil po sa nakita natin, alam natin na marami po ang pwedeng i-present ng PNP sa kasaysayan ng ating bansa, bilang premier law enforcement agency, pinagdaanan natin during Spanish time, dumating ang mga Amerikano.  So ano po ang policing system that time hangang maging PNP, kaya napakayaman ng kasaysayan kasi dumaan sa maraming yugto ng kasaysayan,” sabi pa ni Bustamante.

Mga bumubuo ng PNP Engineering Service kasama ring nag-tour sa INC museum

Kasama din na nag-tour ang mga tauhan ng PNP Engineering Service na in-charge sa disenyo ng bagong PNP museum.

“Actually na-overwhelm nga ako.  Hindi ko ini-expect ganun kadami ang mailalagay sa loob ng museum,” ayon pa kay Police Lt. Rhea Tayaban, isang arkitekto ng PNP engineering Service plans and design.

Impormasyon ukol sa Iglesia Ni Cristo nalaman ng mga bumisita sa INC Museum

Pero bukod sa magagandang konsepto, marami rin daw natutunan at nalaman na mga bagong impormasyon ang mga pulis tungkol sa Iglesia Ni Cristo.

“Hindi ko inaakala na ganun pala talaga kalaki at kalawak (ang INC),” pansin ni Tayaban..

Sinabi rin ni Police Exec. Master Sgt. Gavino Coranes ng  Police Community Affairs and Development Group (PCADG) na nakakamangha ang pag-unlad ng INC.

“Dati kubo pa ang pagsamba kumpara sa ngayon, malaki na ang kaibahan.  Nakaka-amaze. Nagsimula sa maliit,  ngayon hindi lang sa Pilipinas, kundi worldwide na,” sabi pa ni Coranes.

Ayon naman kay Bustamante, nakakapagpatibay ng pananampalataya ng mga kaanib ng INC ang pagbisita sa INC Museum.

“Kung ikaw ay isang kaanib na sa Iglesia Ni Cristo ay titibay ang pananampalataya mo at nakita mo talaga ang direksyon ng Pamamahala na paggalang sa kasaysayan.  At talagang alam natin na lahat ng ito may batayan sa Biblia,” sabi ni P BGen. Bustamante.

PNP magtatayo rin ng museum; posibleng simulan sa Hunyo

Target ng PNP na matapos ang disenyo ng bagong PNP museum sa lalong madaling panahon.  Inaasahang masisimulan na ang pagtatayo nito sa buwan ng Hunyo.

Related Post

This website uses cookies.