(Eagle News) — Nagsumite na ng counter affidavit ang mga opisyal ng Smartmatic at Commission on Elections (Comelec) IT department sa Manila Prosecutor’s Office kaugnay ng isinampang kaso ng kampo ni vice presidential candidate Ferdinand Marcos, Jr.
Matatandaang inireklamo ng kampo ni Marcos ang walang pahintulot na pagbago sa script ng transparency server noong nakaraang eleksyon.
Kapuwa pinanumpaan ng mga respondent sa harap ni City Prosecutor Rector Macapagal ang kontra salaysay nina Marlon Garcia, Elie Moreno, Neil Baniqued, Rouie Peñalba at Nelson Herrera.
Pero sa halip na gumulong na ang preliminary investigation, na-reschedule muli ang imbestigasyon ng piskalya dahil sa wala pa ang counter affidavit ni Mauricio Herrera na miyembro ng Technical Support Team ng Smartmatic.
Ayon sa abugado ng mga respondent, nasa Panama umano si Hererra kaya hindi agad nakapagsumite ng affidavit.
Sa Hulyo 4 na itutuloy ang pag-iimbestiga sa kaso.
Pag-aaralan naman ng legal team ni Marcos ang mga naisumite nang salaysay bago sila magpasa ng sagot sa piskalya.