PANUKULAN, Quezon (Eagle News) – Nailigtas ang mahigit 20 pasahero matapos lumubog ang sinasakyan nilang bangka na M/B Recto 3 noong Martes, October 10.
Pabalik na sana ang bangka sa Barangay Calasumanga, Panukulan, Quezon mula sa pier ng Barangay Dinahican, Infanta, nang mangyari ang insidente.
Ayon sa Philippine National Police (PNP)-Panukulan, umalis sa pier ang bangka pasado 2:00 ng hapon at makalipas ang mahigit kalahating oras ng paglalakbay patungo sa Panukulan, Quezon sa Polillo Island napansin ng kapitan na si G. Alberto Recto na tumataas na ang tubig sa loob ng bangka.
Ginamit nila ang water pump upang mabawasan ang tumataas na tubig subalit hindi na ito napigilan.
Humingi sila ng tulong sa nauuna sa kanila na pampasaherong bangkang MB Syvel 5.
Pagkatapos mailipat ng mga pasahero at crew ay ilang minuto pa ay tuluyan nang lumubog ang M/B Recto 3.
Kabilang sa mga narescue ay tatlong bata na edad anim, walo at sampung taong gulang.
Agad namang nagbigay ng tulong ang pamahalaan sa mga biktima.
Sa ngayon ay patuloy ang imbistigasyon sa nasabing pangyayari. (Eagle News Service)