QUEZON City, Philippines (Eagle News) — Ipinasasama na ng ilang kongresista ang mga mandarambong o mahahatulang guilty sa plunder sa dapat patawan ng parusang kamatayan.
Nakapaloob ito sa House Bill 001 na inihain nina Incoming House Speaker Pantaleon Alvarez at Capiz Rep. Fredenil Castro na naglalayong ibalik ang parusang kamatayan.
Bukod sa plunder, kasama sa mga krimen na nakalinya dito para tapatan ng death penalty ang car napping pati ang drug trafficking.
Katwiran nina Castro at Alvarez, ang mga kasalukuyang batas ay hindi sapat para matakot ang mga kriminal.
Kailangan umanong mas paigtingin pa ang laban sa kriminalidad sa pamamagitan ng mas may ngipin na mga batas kaakibat ang determinadong implementasyon nito.