MANILA, Philippines (Eagle News) — All set na at nakalatag na raw ang mga proyekto ng Build, Build, Build program ng administrasyong Duterte ngayong taon dahil sa sapat na pondo o budget allocation na ipinagkaloob sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Isa sa pangunahing tinututukan ang pagresolba sa malalang problema sa trapiko sa kaMaynilaan kung saan bilyon ang nawawala sa ekonomya kada araw.
Ayon kay dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Bayani Fernando, sa kasalukuyan nasa 10 kilometers per hour ang average flow ng traffic sa kahabaan EDSA, kumpara sa 20 kilometers per hour noong kanyang kapanahunan.
Ang nakikitang nyang solusyon, ang mahigpit na pagpapatupad ng disiplina at muling pagsasaayos ng mass transport system sa bansa.
Hindi siya tutol sa modernization program ng gobyerno pero kung kaya naman daw na i-subsidize na ang pagpapalit ng modernong unit na ipapalit sa mga lumang jeepney ay dapat itong gawin.
Mabuti rin aniyang ipamahagi ang mga iba pang unit na maaari pang pakinabangan ng LGUs sa probinsya.
Dagdag pa ni Bayani, kailangang muling ayusin ang dispatching system ng bus sa EDSA para malutas ang traffic congestion.
Umaapela naman sa publiko si DPWH Secretary Mark Villar na maapektuhan sa pagsasagawa ng mga kalsada na habaan pa ang pasensya at pag-unawa dahil inaasahang madaragdagan ang oras ng biyahe ng mga pasahero.
Isipin na lang raw ang ginhawang madudulot kapag naisakatuparan ang mga proyekto.
Isa sa mga connecting road na aasahang bubuksan bago matapos ang taong ito ay ang Katipunan Extension patungong Batasan road na mag ba-bypass sa Commonwealth Avenue kung saan kasalukuyan ginagawa ang MRT 7.
Kabilang din sa mga main project ang pagsasagawa sa Laguna Lake Highways, Sky Way at mga connecting road.
(Gerald Rañez, Eagle News Service)