Mga pulis mula sa Davao City, nais ipalit sa mga nasibak na pulis sa Caloocan City

(Eagle News) — Kasunod na rin ng kontrobersiyang kinasasangkutan ng mga tauhan ng Caloocan City Police, nais umano ni Philippine National Police chief Ronald Dela Rosa na may mga pulis mula sa Davao City ang mai-assign sa Caloocan City Police Station.

Matatandaan na una nang sinibak ang lahat ng mga tauhan ng Caloocan City Police dahil sa ilang kwestyonableng operasyon.

Ayon kay Dela Rosa, malaki ang tiwala nya sa Davao City-PNP dahil dito siya galing at alam nya kung paano mag-trabaho ang mga ito.

Pero nilinaw naman ni Dela Rosa na hindi sya mamimilit ng tao, hindi rin daw sya magtatalaga o huhugot ng mga tao mula sa Davao City dahil nais niyang mag-volunteer ang mga nais mailipat sa Caloocan City.

Ayon kay Dela Rosa, nais sana niyang marami ang mag-volunteer at sumagot sa kanyang panawagan kasama na dito ang mga pulis na nakatanggap ng award sa serbisyo.

Ilan sa dahilan ng pagkakasibak sa mga miyembro ng Caloocan police ay ang paglusob  sa isang bahay sa kabila ng kawalan ng search warrant at  pagnanakaw umano ng mga gamit tulad ng cellphone at relo.

(Eagle News Correspondent Jake Monteclaro)

Related Post

This website uses cookies.