Ni Jerold Tagbo
Eagle News Service
Nagpang-abot malapit sa Mendiola ang mga anti- at pro-administrasyon na grupo na may kanya kanyang ikinasang kilos protesta kasabay ng paggunita sa Bonifacio Day ngayong araw.
Hindi nakaporma sa Mendiola ang mga anti-administrasyon na magsasagawa sana ng protesta laban sa sinasabi nilang isinusulong na revolutionary government ng gobyerno.
Karamihan sa mga kaanib sa grupong ito ay mga miyembro ng mga militanteng grupo gaya ng Bukluran ng mga Mangagawang Pilipino, Alliance of Trade Union, Partido Lakas ng Masa, Sanlakas, Alyansa Tigil Mina at ang Samahan ng Progresibong Kabataan.
Hindi bababa sa 2000 ang kanilang bilang.
“The…agenda of (those pushing for) ‘RevGov’ lies not in sincerely solving the Philippines’ ills … rather in paving the way for charter change and federalism..We will not allow the revolution (to) be used in the name of further exploitation and oppression. We oppose Duterte’s ‘revolutionary government’ which is nothing but a political banner, an illusory promise covering deep-seated inequalities and class conflicts,” ” wika ni Joanne Lim, tagapagsalita ng SPARK.
Nagmartsa ang mga raliyista na anti-administrasyon patungong Mendiola mula sa Liwasang Bonifacio at University of Sto. Tomas sa Espana.
Pero pagdating sa may kanto ng Legarda at San Rafael Streets ay humarang na ang nasa 2000 katao na miyembro ng sa mga pro-administrasyon na grupo na nagsusulong naman ng revolutionary government.
Kinantsawan ng mga pro-administrasyon ang mga militanteng grupo, kaya napilitan ang mga ito na umiwas na lamang at maghanap na lamang ng ibang lugar.
Nagpatuloy na lamang sila sa pagmamartsa sa P. Casal St. at sa may Solano St. malapit sa Department of Budget and Management kung saan sila nagsagawa ng programa.
Ang mga miyembro naman ng mga pro-administrasyon na grupo ang nagsasagawa ng programa sa Mendiola sa kasalukuyan.
Sarado na ngayon sa daloy ng trapiko ang bahagi ng Legarda St. hanggang sa Palanca Street.
Video ni Jerold Tagbo, Eagle News Service