MARAWI CITY, Lanao del Sur (Eagle News) – Hati ang reaksyon ng mga residente sa Marawi City sa posibilidad na i-extend ang martial law sa Mindanao hanggang sa Disyembre.
Ilang residente ang pabor na palawigin pa ito hanggang sa pagtatapos ng taong 2017, sapagkat nakikita nila ito bilang paraan upang maprotektahan ang mga sibilyan sa teroristang Maute Group.
Gayunman, ang ibang residente ay hindi pabor dahil naiisip nila na kung palalawigin pa ang martial law ay matatagalan pa bago bumalik sa normal ang kanilang pamumuhay.
Una nang hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na i-extend ang martial law at suspendihin ang pribilehiyo ng writ of habeas corpus sa Mindanao hanggang Disyembre 31.
Sa Sabado, July 22 nakatakdang mag-convene sa isang joint session ang mga miyembro ng Kongreso para talakayin ang nasabing usapin.
https://www.youtube.com/watch?v=psHyeD7np7Y&feature=youtu.be