Tiniyak ng liderato ng kamara na magkakasibakan sa revenue generating agencies kung pumalpak na matamo ang kanilang target revenues.
Sa plenary debate para sa pondo ng Department of Finance. Sinabi ni Appropriations Vice Chairman Lray Villafuerte na susundin ng gobyerno ang lateral attrition law.
Ibig sabihin, ang mga revenue officers na makakaabot ng target revenue collection o koleksiyon ng buwis ay makakatikim ng reward. Habang ang mag-a-under perform ay mapaparusahan sa pamamagitan ng pag-alis sa mga ito sa pwesto.
Una ng nagpahayag ng pagdududa si Camarines Sur Cong. Rolando Andaya, dating Budget Secretary noong panahon ng Arroyo administration, sa kakayahan ng mga revenue generating agencies na maabot o malagpasan ang revenue collection para punuan ang pambansang budget para sa susunod na taon.
Inihalimbawa ni Andaya ang Bureau of Customs na pangalawa sa pangunahing pinagkukunan ng pangtustos sa pambansang pondo. Sunod sa Bureau of Internal Revenue.
Pero ayon naman kay Villafuerte, ang BOC sa ngayon ay nasa 97% na ng target collection base sa naging koleksiyon sa kaparehong period noong 2015.